Natutuwa kaya ang Diyos sa "Pasko"?

Isang kaklase ko ang nagtanong, "Ano bang religion mo?", matapos na sabihin ko na hindi ako nagce-celebrate ng Pasko, at ng iba pang holidays na may religious background. Katulad ng maraming tanong sa mundo, madali lang sagutin nang may isa o dalawang salita ang ganitong tanong. Maaaring ibalik sa kanya at tanong at sabihing, "bakit naman ako magpapasko? Natutuwa ba ang Diyos sa Pasko?" O maaari ding ipakita sa kasaysayan kung paanong naimbento at nabuo ng tao ang mga tradisyon ng Pasko. Ngunit, mas mainam na sumagot nang may malinaw na rational at Biblikal na pangangatwiran. Subalit mas madalas na maiksi lamang ang oras ng pagpapaliwanag, kaya ang mga sumusunod ang para sa akin ay mainam at maiksing pangangatwiran. 

Patungkol sa Pasko at ibang celebration na may religious background, mayroong dalawang prinsipyo lamang na maaaring tayuan. Ang una ay ang tinatawag na regulative principle, na nagsasabing ang anumang hindi iniutos o pinagtibay ng Biblia, ay mali at ipinagbabawal. Sa madaling salita, dahil ang Pasko ay sinasabing may kinalaman kay Jesus, ngunit ito ay hindi iniutos o pinagtibay, ni hindi ipinagdiwang  ni Jesus o maging ng Kanyang mga Apostol man lang – ito ay mali at dapat ipagbawal. Subalit, sinasabi ng napakarami na ang Pasko ay mula mismo sa Biblia. Kaya naman, linawin natin na ang birth ay iba sa birthday. Ang birth o ang kapanganakan ni Jesus ang sinasaad sa Biblia, at hindi ang kaarawan o birthday. Ito ay simple at hindi dapat ikalito. Tunay na sinasaad sa Biblia na ikinagalak at ikinasiya ang kapanganakan ni Jesus, ngunit hindi kailanman sinabi na ipinagdiwang o ipinag-utos na ipagdiwang ang Kanyang kaarawan. At dahil ang pagdiriwang ng kaarawan ni Jesus ay wala sa Biblia, ito ay mali at hindi nakakalugod sa Diyos.

Sa kabilang banda, may mga nagsasabi na ang anumang hindi ipinagbawal ng Biblia, ito may pahintulot at maaaring gawin. Ito ay tinatawag na normative principle. Samakatuwid, dahil ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi ipinagbawal, ito ay maaaring gawin o ipagdiwang. Ito ay ibinibilang na may mas malaya sapagkat binibigyan nito ang tao na mag-isip kung ano ang sa tingin niya ay tama at mabuti. Kaya kung susumahin, maraming pagdiriwang ang maaaring ipagdiwang tulad ng Valentines day o Halloween sapagkat ito ay hindi partikular na ipinagbabawal ng Biblia. Kaya naman, kahit hayag na ang Pasko ay naimbento ng mga tao ilang daang taon na matapos masulat ang Biblia, ito ay tama at hindi bawal.

Lahat ng espesyal na gawain o pagdiriwang na may kinalaman sa relihiyon, sa pagsamba sa Diyos, ay sumasalamin sa isa sa dalawang prinsipyong iyon: regulative o normative. Ang pagsamba ay seryosong bagay. At napakahalagang isaalang-alang, 'Paano ko sasambahin ang Diyos na di-nakikita?' 'Ano ang nakakalugod at kagustuhan ng Diyos?' Paano makakasiguro na ang ginagawa ko ay nakakatuwa sa harapan ng Diyos? Ang nag-iisang sagot ay: Ang nakakatuwa at nakakalugod sa Diyos ay ang mismong sinabi Nya na gawin natin. Ang kalooban mismo ng Diyos ay inilantad Nya sa atin sa Kanyang kumpletong salita, ang Biblia. Kaya nga, Biblia ang basehan ng tama at nakakalugod na pagsamba, at hindi ang opinyon o imbensyon ng tao. Sinabi ng Diyos kung ano ang gusto Niya, at ito ang nag-iisang batayan ng paglapit at pagsamba sa Kanya. Halimbawa, sinabi ni Jesus patungkol sa tinapay at saro ng Banal na Hapunan, "gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin..." At sinabi rin ito ni Apostol Pablo ayon sa sinabi ng Panginoong Jesus, "Sapagkat tinanggap ko sa Panginoon ang ibinibigay ko naman sa inyo.... gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin... sa tuwing kanin ninyo and tinapay at inuman ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating Siya" (Lucas 22:17-20, 1 Corinto 11:23-26).

Maraming tanong sa mundo na pwedeng hindi seryosohin, pero ang mga tanong patungkol sa nag-iisang Diyos ay seryosohin ng higit sa lahat. Dapat mo bang sambahin ang buhay na Diyos sa paraang sa tingin mo ay nakakatuwa sa Kanya? O sa paraang sinabi Nya? Dapat ka bang lumapit at sa Diyos sa paraang sa tingin mo ay tama, o sa paraang sinabi Niya mismo ay na tama? Sarili mong paraan o Kanyang paraan? Opinyon ng mo o Salita ng Diyos? Mas marunong ka ba sa banal at kataas-taasang Diyos? Mas maalam ba ka ba kaysa sa Panginoon at sa Kanyang mga Apostol?


~zk

Comments

Popular posts from this blog

ANG EVANGELIO AYON KAY MARCOS

AKLAT NG EXODO: Ang Dalawang Bahagi

Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoon (Lesson 1)