ANG EVANGELIO AYON KAY MARCOS

"Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos."
Marcos 1:1


Naitanong mo na ba? Tungkol saan ang Bibilia? Makapal at mabigat, at sinauna na ang librong ito. Isa pa, ang nagbabasa nito ay ibinibilang na relihiyoso. Bukod dito, and daming nagtatalo tungkol sa Biblia. Tungkol saan ba talaga ito? Anong katotohanan ang mayroon dito?

Iminumungkahi ko sayo na sa Biblia, basahin mo ng aklat ng Marcos. Ikalawang aklat ito ng Bagong Tipan, pagkatapos ng aklat ng Mateo. Sa apat na unang aklat: Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, ang Marcos ang pinaka maiksi. Mabuti kung sisimulan mong basahin ang Biblia sa aklat ng Marcos. Parang summary ito ng buhay at turo ni Jesus. May 16 na kabanata (chapters) lamang ito at totoong mabilis ang takbo ng istorya. Madali itong basahin ng isang upuan lamang. Kung tinatamad ka magbasa ng Marcos, ayy tamad ka talaga. Hahayaan mo bang mabuhay kang mangmang sa Biblia dahil sa katamaran mo? Yung ibang libro nga nababasa mo. Hindi malayo ang salita ng Diyos! Meron dyan, hanap ka ng Bible. Wag mong hayaang magdusa ang kaluluwa mo sa impierno dahil sa katamaran mo! Malaking pagkakamali na isiping hindi ito karapatdapat ng oras mo.

Malinaw sa introduction ni Marcos, na ang kanyang aklat ay patungkol sa evangelio o mabuting balita ni Jesucristo. Ang unang mga salitang sinulat nya ay, “Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos.” Sana unawain mo ang mga salitang ito. Basahin mo ulit. Tutulungan kitang unawain kung anong ibig sabihin ng mga unang mga salita sa aklat ng Marcos ayon sa kabuuan ng aklat, pati na ang pinakapuso ng aklat na ito, na sya ring puso ng Bibilia.


Ang evangelio ay patungkol kay Jesus.

Ipinapahayag ng Biblia ang evangelio o ang mabuting balita*. At, ang evangelio na ito ay hindi patungkol sa maayos o payapang pamumuhay. Hindi ito tungkol sa pamumuhay ng masagana o sa pag-abot ng mga pangarap mo sa buhay. Ang totoo’y hindi ito tungkol sa kung paano mo mapapabuti ang sarili mo o kung paano ka magiging matagumpay sa maiksing oras mo dito sa mundo. Napakadami ng mga naniniwala sa evangelio ang nabubuhay nang hindi masagana. Ang iba ay ipinanganak na mahirap, ang iba ay pinagkaitan, ang iba naman ay iniwan ang karangyaan. Ang iba ay walang pambili ng gamot, sira ang pamilya, iniiwasan, umaani ng maraming kaaway, o pinatay na ng mga kaaway. Pero ang mga naniniwala sa evangelio, ay mga taong mas mahal ang evangelio kaysa sa sarili nilang buhay. 

“Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon” (Marcos 8:35).

Kung ang hanap mo lang ay maalwan o masarap na buhay, okay lang na wag mo nang ituloy ang pagbabasa. Iba na lang basahin mo. Pero tandaan mo na maliwanag na sinabi ni Jesus, na may mas mahalaga pa sa sarili mong buhay sa mundong ito. At kung panghahawakan mo ang buhay mo, mawawalan ka nito. Ang totoo nga, maliligtas lang ang buhay mo pag nakita mo ang mas mahalaga pa dito. Mas mahalaga si Jesus at ang evangelio kaysa sa buhay na meron ka; mas mahalaga kaysa sa kasarapan, katahimikan, kasaganaan at mga pangarap at pangako ng buhay na ‘to. Sabi nga ni Jesus: “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin” (Marcos 8:34). Nagkakamali ka, kung iniisip mo na hindi mahalaga ang katotohanan ng evangelio.

Iisa lamang ang nilalaman ng evangelio, at ito ay patungkol kay Jesus. Patungkol kay Jesus. Ang totoo nga, si Jesus ang nilalaman ng buong Biblia. Ang bida ay hindi kailanman si Abraham, si Moises, si David, si Pedro, si Juan o kung sino pa man; kundi nag-iisa lang, si Jesus. At maaaring akalain ng isang tao na kilala nya si Jesus. At totoong maraming namamatay dahil sa maling akala. Diba maraming nagsasabi na nananampalataya sila kay Jesus? Maraming nag-iisip na kilala nila si Jesus kasi narinig nila siya nung bata pa sila. O, baka naman kasi pumupunta sila sa simbahan. Pero alam mo, isa lang ang paraan para makasiguro ka na kilala mo si Jesus: ang evangelio.

Kasi, ang nilalaman ng evangelio ay ang katotohanan patungkol kay Jesus; kung sino Siya, anong ginawa Nya, at kung para kanino Nya ginawa ang ginawa Niya. Sinasabi ng marami na kilala nila si Jesus. Pero sinasabi ng Biblia na, kung totoong kilala mo si Jesus, alam mo kung ano ang evangelio, at itatapon mo ang buhay mo na parang nakakadiring basura kumpara sa kahalagahan ni Jesucristo (Filipos 3:7-8).


Ang evangelio ay evangelio ni Jesus

Natural, ang evangelio na patungkol kay Jesus ay galing kay Jesus. Subalit, malaki ang halaga ng puntong ito na dapat pag-ukulan ng pansin. Una, si Jesus ang may akda ng mensahe na ito; ikalawa, si Jesus ang nagbunyag nito sa atin; ikatlo, itong evangelio na ito, ito lamang at wala nang iba, ang mensahe ni Jesus.

Ang evangelio ay mula pa sa di maabot at eternal na isip ng Dios. Isipin mo, ang Dios na hindi maabot ng karunungan ng tao, na hindi malirip ng kahit mga pinakamatatalinong tao sa mundo -- Siyang Kataastaasang Dios ay nagsalita. Anong Kanyang sinabi? Anong kanyang sinalita? Ang Salita ay nagkatawang-tao at tumahan sa gitna natin (Juan 1:1,14). Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni Jesus. At kung si Jesu ang 'Salita', ano ang sinalita niya sa atin? Ang evangelio. Ito ay akda at mensahe ng Panginoong Jesus. Hindi ito gawa-gawa ng mga relihoyosong mga tao sa kanto. O mga pilosopong tumatagay tuwing hapon. Hindi ito gawa-gawa ng mga taong ayaw magtrabaho kaya nagtuturo para kumita. Ang evangelio -- ang totoong evangelio, ay ang nag-iisa at hindi nagbabagong mensahe ni Jesus. Ito'y galing mismo kay Jesus, siya "na Anak ng Dios na Kataastaasan" (Marcos 5:7).

Ito ang hiwaga na paulit-ulit na pinapasilip sa pamamagitan mga propeta noong unang panahon sa Lumang Tipan. Ngunit ang hiwaga noong una ay ibinunyag sa tamang panahon. Mula sa mismong bibig ng may-akda. Si Jesus ay naglakad na "ipinangangaral ang evangelio ng Dios. At sinasabi, 'Naganap na ang panahon, at malapit na ang kaharian ng Dios: Kayo'y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio" (Marcos 1:15). Si Jesus ang nagpahayag ng evangelio. Sinabi ng Dios, "Ito ang sinisinta kong Anak; siya ang inyong pakinggan" (Marcos 9:7).

At kung ang evangelio ang mismong mensahe ni Jesus na siya rin ang nagturo sa atin, nangangahulugan na wala na siyang ibang mensahe kundi ito lamang. Ang mensahe niya ay iisa at sapat. Hindi dapat akalain na si Jesus na Salita ng Diyos ay umakda at nagpahayag ng mensahe na kulang-kulang, malabo, o malabnaw. Bagkus, ito'y kumpleto at makapangayarihan. Kaya kung sinomang mangangaral, pastor o anuman, ang hindi nagpapahayag ng evangelio, ay hindi kilala si Cristo, at iniisip niyang mas marunong pa siya sa Dios. O, labis na nakakasura ang mga nagsasabing sila ay nangangaral ng Biblia, ngunit ang pinapangaral ay mga bagay kung paano sasagana sa buhay, paano maaabot ang pangarap sa buhay, paano mapapasagot ang nililigawan, paano maging mas mabuting tao ngayon kaysa kahapon, at samo't saring mga kwentong pampasigla ng laman. Hindi naparito si Jesus para diyan. Ako'y namamanhik sa'yo, na basahin mo nang maingat ang Biblia. Maari mo ng simulan sa aklat ni Marcos. At nawa'y ipakita sayo ng Dios na ang evangelio ay hindi patungkol sa mga lumilipas na bagay sa mundong ito.


Ang evangelio ay patungkol sa mga pangyayari sa kasaysayan

Pinapakita ni Marcos na ang evangelio ay may kinalaman sa kasaysayan. Anupa't sinulat nya na, "Ang pasimula ng evangelio...", at pagkatapos ay nagkwento siya patungkol sa gawain ni Juan na tagapagbaustismo na katuparan ng propesiya ni Isaias (Isaias 40:3). Ang sinulat ni Marcos ang isang pangyayari pagkatapos ng pangyayari ayon sa gabay ng Banal na Espiritu. Ano ang sinulat ni Marcos? Mga pangyayari, mga usapan, mga sinalita. At lahat ng ito ay totoong nangyari sa kasaysayan sa daigdig ng tao. Ang mga bagay na ito ay nasaksihan ng mga apostol at ng marami pa. Narinig ng tainga, nahawakan ng kamay, nakita ng mata (1 Juan 1:1-2).

Ang evangelio na sinulat ni Marcos ay mga pangyayari sa kasaysayan. Ito ay narrative na kung saan si Jesus ang sentro. Na si Jesus ay naglakad, nanalangin at nangaral. Si Jesus ay nagpagaling at gumawa ng maraming himala. Si Jesus ay nakikain at nagpahinga. Si Jesus ay minahal at kinapootan. At inakusahan, ipinagkanulo, sinunggaban, ikinaila, nilitis, hinatulan, hiniya, niluraan, pinagsusuntok, hinampas, sinaktan, ipinako, kinutya, pinatay, inilibing. At hindi duon natapos ang evangelio. Siya na nilibing ay sa ikatlong araw ay bumagon mula sa mga patay. Nagpakita at nagpatotoo sa marami sa loob ng maraming araw. "Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay tinanggap sa itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios" (Marcos 16:19). Itong lahat ay pangyayari.

At pagkatapos nito, sinulat ni Marcos na, "At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako" (Marcos 16:20). Kaya napakahalagang itanong: Ano ang ipinangaral nila? Tama. Ang evangelio. Sapagka't sinabi ni Jesus, "Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan , at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal" (Marcos 16:15). Dito ay maliwanag kung ano ang nais at inutos na ipangaral ni Jesus. Wala nang iba kundi ang evangelio niya. Sapagkat, "Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan"(Marcos 16:16).  Samakatuwid, ang evangelio ang pamantayan kung sino ang ligtas at kung sino ang napapahamak. Hindi ang kabutihan, mabubuting gawa, mabubuting saloobin o kung ano pa man. Ang taong sumasampalataya sa evanghelyo ay maliligtas. Period. Ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. Ito ang pinangaral ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.


Ang evangelio ay isang balita o mensahe

Ngunit mali na isipin na ang evangelio ay patungkol lamang sa mga panyayaring naganap sa kasaysayan sa mundo. Isang malaking pagkakamali na isiping ang pananampalataya lamang sa mga pangyayari na si Jesus ay ipinako sa krus, namatay, inilibing, atbp., ang nilalaman ng evangelio. Napakarami ang naniniwala sa mga bagay na iyon ang ngayon'y nagdurusa sa impierno. Ang evangelio ay hindi lamang mga pangyayari sa kasaysayan na sinulat ni Marcos at iba pa, kundi, ito ay ang mensahe na naglalahad ng mga pangyayari sa kasaysayan AT ng katuruan ng mga pangyayaring ito ayon sa Biblia. 

Ang evangelio ay mensahe, balita, katuruan, aral, katotohanan, o doktrina na ipinahayag ni Jesus. Ang mga doktrina na ito ang nagbibigay interpretasyon sa mga pangyayari. Halimbawa, isang panyayari sa kasaysayan na Jesus ay ipinanganak. Ngunit ano si Jesus? Tao? O Dios? O buong Dios at buong tao? Bakit siya ipinanganak? Para saan at siya'y naparito? At napakahalagang pangyayari ang kanyang pagkapako, pagkamatay at paglibing. Ngunit bakit siya namatay? Kailangan ba siyang mamatay? Anong nakamit o natupad ng kanyang kamatayan? Anong halaga niyon? Nakasagip ba iyon ng tao? Paanong iyon ay nakaligtas ng tao? At para kanino siya namatay? Sino ang kanyang niligtas? Nailigtas ba niya ang gusto niyang iligtas? At anong halaga ng pagkabuhay niya mula sa kamatayan? Bakit siya umakyat ng kalangitan? Anong ibig sabihin na siya'y lumuklok sa kanan ng Dios?

Hindi ba't halata na ang mga tanong na ito ay hindi nararamdaman ng tao? O nakikita ng mata? Ang evangelio ay doktrina na ipinahayag sa tao sa pamamagitan ng mga salita o ng lenggwahe ng tao. Ito ay katuruan, at ang katuruan ay hindi dinadama, kundi iniisip. Hindi malalasahan ng ating dila ang katotohanang "Sapagkat ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami" (Marcos 10:45). Paano niya tinubos ang marami? Mula saan niya tinubos ang marami? Hindi mo ito mararamdaman ng iyong balat o pandamdam. Ito ay iniisip, at dapat mong pag-isipan. 


Ang evangelio ni Jesus ayon kay Marcos

Sinabi ni Jesus na ang tao ay makasalanang lubos na ang mismong puso nya ang pinagmumulan ng mga kasalanan. Hindi nakapagtataka na ang tao ay walang pakialam sa katotohanan ng evangelio, at walang pakundangan sa Banal na Dios. "Sapagka't mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, ang mga pakikiapid, pagnanakaw, pagpatay..." (Marcos 7:21). Ang tao ay bulok mula sa kaniyang kaloob-looban. At ang tao na makasalanan ay nasa panganib ng ng impierno, "sa apoy na hindi namamatay" (Marcos 9:44). At yamang nasa ilalim ng hatol at poot ng Dios, "ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanlibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay? (Marcos 8:36). Kapahamakan ang nasa harapan niya, ngunit hindi nya ito nakikita at hindi wala siyang kakayanang iligtas ang sarili. Magagawa ba ng isang makasalanan na maging matuwid sa harap ng Banal na Dios? Kaya nga sinabi, "Tinanong siya ng marami, "Sino nga kaya ang makaliligtas?'. Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, 'Hindi maaari ito sa mga tao, datapuwa't hindi gayon sa Dios" (Marcos 10: 27). Ang kaligtasan ay mula sa Dios, at sa pamamagitan lamang ni Jesus.

Siya ay "hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami" (Marcos 10:45). Siya ay nagligtas ng mga taong makasalanang sagad hanggang buto. Ni kahit magdusa sila sa walang hanggang apoy ng impierno ay hindi nila mababayaran ang isa, o bawat, at lahat, ng kanilang pagkakasala't utang sa Dios. Kaya't siyang walang kasalanana ang nagbayad. Nagbayad ng buo. At ang pinangbayad niya ay ang kanyang buhay, kaniyang dugo. Kaya niya sinabing, "Ito'y ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami" (Marcos 14:24). Para sa 'marami' siya ay nagdugo duon sa krus, na sinalo niya ang poot na nararapat lamang sa kanila. Siya ang nagbayad ng hindi nila kayang bayaran. Siya ang tumanggap ng parusa sa kasalanan ng marami. Kaya't siya ang may "awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan" (Marcos 2:10) sapagkat siya ang Cristo (Marcos 8:29) na tagapamagitan na nagtubos sa marami. At para sa 'marami' na iyon, na sinabi niya na hinirang ng Dios, ay pinaikli niya ang mga 'araw ng kapighatian' na dadating sa hinaharap. Sinabi niya, "dahil sa mga hirang, na kaniyang hinirang, ay pinaikli niya ang mga araw." (Marcos 13:20). Silang marami, na mga hinirang, na tulad ng iba ay makasalanang lubos, ang iniligtas nang buo ni Jesus, at pinagdusahan ang kaparusahang dapat ibagsak sa kanila. Anupa't sila'y pinatawad, at may buhay na walang hanggan.

At sila na iniligtas mula sa poot at mahustisyang kaparusahan ng Dios, ay binigyan din niya ng pagkaunawa. Kaya sinabi nya sa kanyang mga alagad, "Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios" (Marcos 4:11). Sa kanila lamang, at hindi sa iba, "... upang kung magsitingin sila'y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila'y mangakarinig, at huwag mangakaunawa..." (Marcos 4:12). Kaya't kung paanong siya ay nagbigay ng pandinig sa bingi, ng paningin sa bulag ayon sa kanyang inibig pagbigyan, ay gayon din na binigyan nya ng pagkaunawa ang marami na hinirang at kaniyang niligtas. 

Napakasagana ng katotohanan ng evangelio, na tumutunaw sa ating pagmamataas at pagkamasarili, at itinatanghal ang iisang Kamahalan. Sapagkat ang evangelio ay maliwanag na sinasabing si Jesus lamang ang nag iisang Panginoong napakarangya sa kagandahan na karapatdapat ng pag-ibig; at isang araw ay babalik at makikita na "napaparitong nasa mga alapaap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatin" (Marcos 13:26). Ang nag iisang Tagapagligtas, na bagaman sinira ng ating kasalanan papuntang hukay ay bumango't nagtagumpay, na karapatdapat pag alayan ng buhay.

Ito ang evangelio ayon kay Marcos, ang evangelio na mensahe ng Biblia, na ang sinumang sumapalataya dito ay maliligtas, at ang hindi sumapalataya ay parurusahan. At paano mauunawaan ang evangeliong ito? Sinabi ni Jesus, "Hindi ba nangagkakamali kayo dahil diyan, na hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan?" (Marcos 12:24). Siguradong nagkakamali ang taong hindi nalalaman ang kasulatan. Kaya basahin mo, at nawa'y bigyan ka ng pang-unawa ng Dios.



~zk

Comments

Popular posts from this blog

AKLAT NG EXODO: Ang Dalawang Bahagi

Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoon (Lesson 1)