AKLAT NG EXODO: Ang Dalawang Bahagi


Madalas, ang naaalala lamang sa aklat ng Exodo ay ang Sampung Salot, o di kaya’y ang pagtawid sa Dagat na Pula (Red Sea), o ang Sampung Utos. Kamangha-mangha nga naman ang mga salaysay patungkol sa mga ito. Ngunit kung iyon lamang ang iyong nalalaman, ayan ay pawang walang pakinabang. Balikan mo uli ang aklat na yun. Hindi ba sinabi duon:

Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay aking anak, aking panganay... Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya'y makapaglingkod sa akin…” (Exodus 4:22-23)


Paulit-ulit na binitiwan ang mga katagang iyan sa Faraon na hari ng Egipto, noong sa pamamagitan ng malakas na kamay ay iniligtas ni Jehova ang Israel sa bahay ng pagkaalipin. Pinapakita ng mga katagang ito ang dalawang bahagi ng aklat.

Ang unang bahagi ay mula kabanatang 1 hanggang 15. Ito ay tungkol sa pagliligtas ng Dios sa Kanyang bayan; ang paglabas ng Kanyang bayang Israel.

Sa labinglimang kabanata na ito ay pinakita ang pait at lupit ng pighati ng pagkaalipin sa Egipto. Pinabalik ng Dios si Moises sa Egipto para palabasin ang Israel papuntang Lupang Ipinangako (Promised Land). Ilang beses na sinabihan ni Moises at Aaron si Faraon na palayain ang Israel. Ayaw. Ilang beses na pinagmatigas ng Dios ang puso ng Faraon upang mapakita Niya ang Kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga salot (Ex 7:3-5). Hanggang dumating sa ikasampung salot, kung saan pinatay Niya ang panganay ng Faraon at ng mga taga-Egipto, samantalang ang mga anak ng Israel ay nilampasan ng kamatayan dahil sa dugo ng kordero. Hinayaan na silang umalis tuloy, kaso hinabol sila hanggang sa Red Sea. Alam mo na siguro yung mga nangyari sa kabanata 14. Matapos ang ilang kabanata na puno ng maaksyong mga pangyayari, mababasa sa wakas ang mga salitang: “tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon; sapagka’t ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailanman. Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo’y tatahimik” (Ex. 14:13-14). Anupa’t napakanta sila ng awit ng tagumpay: “Ang Panginoon ay aking lakas at awit…” (Ex. 15).

Ang ikalawang bahagi ng aklat ay mula sa kabanatang 15:22 hanggang 40. Ito ay tungkol sa paglilingkod at pagsamba bilang bayan ng Dios. Ito ang mas malaking bahagi ng aklat

Hindi ba ilang ulit na sinabi kay Faraon? “Pahintulutan mong ang aking anak ay yumaon, upang siya’y makapaglingkod sa akin…” Ang Israel ay yayao, lalabas ng Egipto upang maglingkod. Anong ibig sabihin ng paglilingkod na ito? Binanggit ang salitang pagdiriwang ng pista na tila katumbas nito: “Bayaan mong ang aking bayan ay yumaon upang ipagdiwang nila ako ng isang kapistahan...” (Ex 5:1). Pati ang salitang paghahain o pag-aalay ay katumbas nito: “pahintulutan mo nga kaming maglakbay na tatlong araw sa ilang, at maghain sa Panginoon naming Diyos” (Ex 5:3). Ang pistang ipinagdiwang nila ay ang Paskuwa ng Panginoon (LORD's Passover), o ang pista ng pagkain ng kordero sa pag-alaala ng paglampas ng kamatayan sa bahay ng Israel dahil sa dugo ng pinatay na kordero (Ex 12:14-17, 27). Kalakip ng paskuwa ang paghahain ng mga alay ayon sa utos ng Diyos. Sa buod, ang layunin ng maluwalhating pagliligtas ng Israel ay ang paglingkod kaakibat ng paghahain ng alay at pagdiriwang ng pista; samakatuwid baga'y, pagsamba. Iniligtas ang bayan ng Israel upang sila ay sumamba – magbigay luwalhati sa kanilang Panginoon.

Mahalagang pansinin na ang ikalawang bahagi ng aklat ay mas malaki at detalyado kaysa sa unang bahagi. Marami ang nakasulat patungkol sa mga pangunahing utos at tipan sa Sinai. Nagkasala din ang bayan; hindi sila mabait. Sa simula pa lamang, niligtas sila dahil sa pangako ng Diyos, hindi dahil masunurin sila. Kaya hindi tuluyang nawasak ang bayan ay dahil si Jehova ay tumutupad sa Kanyang tipan. Hindi sila tapat. Ngunit ang Dios ay tapat.

Ngunit higit na mahaba, detalyado at mabusisi sa lahat, ay ang patungkol sa kaban ng tipan, sa mga kasuutan at pagtatalaga ng pari, sa tabernakulo at sa mga kagamitan nito. Madalas na ang mga ito ay hindi napagtutuunan ng pansin, ngunit hindi ito maingat na inihayag ng marunong na Dios para lamang bigyan ng sulyap. Hindi maliit na bagay ang pagsamba. Seryoso. Madugo. Pinaka iniingat-ingatan. Kung nagdududa ka, basahin mo ulit ang kabanatang 16 hanggang 40.

Sinabi ng Panginoon: “At kayo’y aking aariin na pinakabayan ko at ako’y magiging sa inyo’y Dios…. At aking dadalhin kayo sa lupain, na siyang pinagtaasan ko ng aking kamay na ibibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, at aking ibibigay sa inyo na pinakamana: ako’y si Jehova.” (Ex 6:7-8). Siya ay si Jehova, ang Dios ng tipan. Tinupad nya ang Kanyang tipan na “pinagtaasan Nya ng kamay”. Inari Nyang bayan Nya ang Israel. Niligtas Nya ang Kanyang bayan alinsunod sa Kanyang pangako at tipan.


Inari Niyang bayan ang Israel, ang Kanyang “panganay”. Ito ang dalawang bahagi ng Exodo: una, bilang Dios nila, niligtas Nya ang Israel; ikalawa, bilang bayan Nya, ang Israel ay maglilingkod sa Kanya. Bigyan mo ng oras na pag-isipan pagkakahati sa dalawang bahagi na ito. Gayunpaman, ang mga kagila-gilalas na mga bagay na ito sa Exodo ay pawang anino lamang ng mga bagay na higit na maluwalhati. Ang katuparan nito ay ang pagliligtas ng Dios sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Kanyang “Panganay”, si Cristo.

Ang lahat ng ito ay mga pangunahin at panimulang katuruan na magtuturo patungkol sa ganap at higit na maluwalhating pagliligtas. Ang pagliligtas ni Jehova sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Kanyang Anak, na duon nagbubo ng dugo sa krus. Kaya ang bayan ng Dios ay aawit ng bagong awit kaysa sa awit nina Moises; awit sa Panginoong Jesu-Cristo, “sapagkat ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa’t angkan, at wika, at bayan, at bansa.” (Apoc. 5:9). Anong siklab ng papuri sa Kanya ng libu-libong mga taong tinubos Niya! Sapagkat niligtas Niya sila: hindi mula sa mga Egipcio kundi mula sa pangil ng kasalanan at kamatayan, hindi mula sa latigo ni Faraon kundi sa poot at paghuhukom ng Diyos, at hindi sa pamamagitan ng dugo ng kordero, kundi sa pamamagitan ng sarili Nyang dugo; Siya na Cordero ng Dios.


Ang aklat ng Exodo ay patungkol kay Cristo. Siya na nagligtas, at Siya na dapat sambahin... Sya na haliging ulap na nangunguna sa Kanyang bayan (Ex. 13:21, ikumpara sa Ex. 14:19), ang korderong hindi binalian ng buto (Ex. 12:46, ikumpara sa Juan 19:36) ang Batong ininuman (Ex. 17:6, ikumpara sa 1 Cor 10:4); at sa napakaraming paraan ay pinakilala sa aklat na ito. Siya na Cordero na gaganap at lulubos ng pagliligtas na pauna nang itinuro sa pamamagitan ng makasaysayang paglabas ng Israel sa Egipto bilang bayan ng Dios. At Siyang nararapat na maingat na sambahin ng Kanyang pinalayang bayan: "Ang Panginoon ay aking lakas at awit, At siya'y naging aking kaligtasan.” (Ex 15: 2).


~zk




Comments

Popular posts from this blog

ANG EVANGELIO AYON KAY MARCOS

Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoon (Lesson 1)